Masayang pagtitipun-tipon, inaabangang bakasyon at muling pagsasama-sama ng mga pamilya. Mga nagtataasan at makukulay na Christmas tree, masasarap na pagkain, at maraming regalo. Ito nga ba ang tunay na kahulugan ng Pasko?
Ang Pasko ay ang panahon na nararapat nating pag-ukulan ng pansin. Ito ay ang pag-alala ng pagdating ng Panginoong Hesu-Kristo dito sa lupa, dalawang libong taon na ang nakalilipas.
Ayon sa hula ng mga propeta, sandaang taon na ang nakakalipas, si Hesu-Kristo ay ipapanganak ng isang birhen mula sa Betlehem, sa isang maliit na bayan ng Israel. (Mica 5:2; Isaias 7:14).
Nang ipinanganak si Hesus dito sa lupa, nagsipag-awitan ang mga anghel sa Kanyang pagsilang. Nagalak ang mga pastol sa Kanyang pagdating, at ang mga pantas ay naglakbay mula sa malayong lugar ng silangan upang purihin at sambahin ang bagong silang na Hari (Lucas 2:8-20; Mateo 2:1-2).
Ang sanggol na nagngangalang Hesus ay Anak ng Diyos. Isinugo at ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang mamatay para iligtas ang bawat nilalang: lalaki o babae, bata man o matanda, mula sa kanilang mga kasalanan (Juan 3:16).
Sa Kanyang pagkamatay sa krus, inako ni Hesus ang kaparusahang dapat ay nakalaan bilang kabayaran nang kasalanan ng sanlibutan (1 Pedro 3:18).
Pagkatapos ng Kanyang kamatayan, inilibing si Hesus sa kanyang puntod sa Jerusalem. Subalit makalipas ang tatlong araw, binuhay Siyang muli ng Diyos bilang pagpapatunay na natubos na ang mga kasalanan ng sanlibutan (Marcos 16:6; Lucas 24:45-46).
Kasunod ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli, nagpakita si Hesus sa maraming tao bago Siya pumaitaas sa langit (1Corinto 15:3-6; Gawa 1:9-11).
Katulad ng hula ng mga propeta na si Hesus ay muling darating sa mundong ito sa ikalawang pagkakataon. Sinabi ni Hesus na Siya ay muling darating dito sa lupa (Mateo 24:30).
Ang layunin nang Kanyang unang pagdating sa lupa ay upang tubusin at bayaran ang ating mga kasalanan. Sa Kanyang muling pagbabalik sa pangalawang pagkakataon hahatulan Niya ang mundo. Ang sinumang naligtas sa kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Cristo ay masiglang naghihintay sa pagdating ng araw na ito. Batid nila na sila ay tatayo sa harap Niya upang patunayan na “napawalang sala” na sila(Hebreo 9:27-28).
Sinabi ni Hesus, “kung hindi kayo magsisisi sa inyong mga kasalanan,
kayo ay mapapahamak” (Lucas 13:3).